Hi. :)) This is MY 'talumpati' in my Filipino subject. :)) It's in Filipino, and I hope you'll like it. :))
(c) Copyright reserved: 2013
MGA LIBRO LABAN SA PELIKULA
Noong
hayskul ako, napapabilang ako sa grupo ng mga taong mahilig sa libro. Araw araw
wala kaming kasawaan sa pagkukuwento ng kung anu-ano na tungkol sa mga libro.
Grabe din ang aming tuwa kapag ginagawan ng pelikula ang mga librong
kinagigiliwan namin. Ngunit kapag napapanood namin ito, nagpapalitan kami lagi
ng mga komento kung mas maganda ba ang libro o ang pelikula.
Mula noong nagsimula ang paggawa ng
pelikula na hango sa mga libro, dito na rin nagsimula ang pagtatalo ng nakakarami
sa atin kung ano ang mas maganda, ang libro ba o ang mga pelikula. Sa mga
mahilig magbasa ng libro, mas pinipili nila ang libro dahil dito, kumpleto at
buo ang mga detalye ng kwento. Sa iba
naman, mas maganda daw ang panonood ng pelikula dahil nakikita nila ang mga
mukha ng mga karakter sa kwento at mas makulay daw ito kumpara sa pagbabasa.
Para mas maunawaan natin kung ano ba talaga ang mas maganda, talakayin at ipagkumpara
natin ito at saka natin husgahan.
Ang
Harry Potter, Hunger Games, The Lightning Thief-- ay ilan lamang sa mga libro
na sumikat at pumatok sa mga bookstore sa buong mundo. Ayon sa mga palabasa ng
libro, kakaiba ang kwento ng mga ito at mapapaisip ka talaga sa mga susunod
pang kabanata. Para sa kanila, sa libro gumagana ang imahinasyon ng mga mambabasa
at marami ka pang matutuhang mga salita na pwedeng makadagdag sa iyong
bokabularyo. Isa pa, buo at malinaw ang mga detalye na nakasaad sa libro,
walang labis at walang kulang. At habang tumatagal, paganda ng paganda ang
kwento at ito ay tatapusin mo talaga hanggang dulo. Ang tatlong ito din ay mga
dugtungan, kung kaya’t pwede mo agad bilhin ang kasunod na dugtungan, at maaari
mo na ilulong muli ang iyong sarili sa pagbabasa. Ngunit, ang pagbabasa ay
matagal kumpara sa panonood, maaari kang umabot ng isang buwan o hindi mo na
lang matapos ito, pero nakadepende pa din ito sa bilis ng taong nagbabasa.
Ang
tatlong librong ito ay ginawa ring pelikula dahil sa angking ganda ng mga
kwento. Dito na papasok ang mga mahilig sa mga palabas. Ayon naman sa kanila,
mas mabilis ang kwento kapag ginawa nang pelikula ang mga ito, at isa hanggang
tatlong oras ang tinatagal nito kumpara sa pagbabasa. Maliban doon, ang mga
kwentong ito ay binibigyang buhay ng mga bigating artista sa mundo ng pelikula,
gaya na lamang ni Logan Lerman at Josh Hutcherson na kinatitilian ng mga babae.
Ang isa pa sa mga dahilan nila ay may biswal na at hindi na kailangan pa ng
imahinasyon. At ayon din sa kanila, may ‘kilig factor’ daw ang mga ito, dahil
kapag nanonood kayo, di maiiwasan ang mga hiyawan sa loob ng sinehan. Ngunit,
minsan nakakainis din ang mga pelikulang ito na hinahango mula sa libro dahil
iniiba ng direktor ang kwento, o di kaya pinapalitan ang eksena. Halimbawa na
lamang sa palabas na Lightning Thief, maraming tinanggal, binago, at pinalitan
na eksena sa palabas, kung kaya’t maraming mga tagahanga ang nadismaya
pagkatapos ito panoorin. Balita pa nga na ang mismong sumulat ng libro ay hindi
pinanood ang palabas. Sa Hunger Games naman, yung mismong awtor ang producer ng
libro, at siya rin mismo ay may mga binago. Maganda naman ang kinalabasan ng
pelikula, ngunit sa nakakarami, hindi sila nagagalak.
Dahil
sa aking pagkama-usisa, hinanap ko din sa internet kung ano ba talaga ang mas
lamang, ang pelikula ba o ang mga libro. Sa site na www.wisegeek.com, sinabi
doon na, ‘Why are books better than movies?’ at sa http://cassandrajade@wordpress.com
na mas lamang daw ang mga libro. Isinaad doon na kapag nagbabasa ka ng libro,
ikaw rin mismo ang magiging direktor, producer, cameraman, stuntmen, waterboy,
utility, propsmen, lahat yan, IKAW! Ikaw rin ang makakapag-isip kung gaano
kagwapo at kaganda ang bida, at kung gaano ka-chaka ang mga kontrabida. Sa
pagbabasa, ang isang tao ay nagiging malikhain. Bottom line, ikaw ang
filmmaker, kapares mo ang sumulat ng libro.
Nabasa niyo na ba ang akda ni Balagtas na
Florante at Laura? Ang akda ni Huseng Sisiw na Ibong Adarna? Ang tanong ko
lamang ay kung naintindihan niyo ba ang binasa niyo? Tagalog nga ito, ngunit
nakaka-nosebleed na Tagalog. Pero nung pinalabas na ang mga ito sa teatro,
naintindihan niyo na hindi ba? At mapapa-“ahhh yun pala yun!” kayo. Isang
halimbawa na din dito ang mga akda ni Shakespeare kagaya ng Romeo and Juliet,
na kapag binasa mo ay wala ka talagang maiintindihan dahil Old English ang
ginagamit dito, ngunit nang ipinalabas na ito, saka lang natin naintindihan. Ito
naman ang mga kagandahan ng pelikula na di mo aakalain na kasing gwapo pala ni
Leonardo diCaprio ang Romeo na nasa imahinasyon mo. Ang isa pang advantage ng
pelikula ay mas madali mong matatandaan ang bawat eksenang napapaloob sa isang
pelikula. “Ah oo, siya yung nagsabi ng ‘sakit ah? Kapal kasi ng muka mo!’” (A
Secret Affair Movie) Hindi ba?
Ngunit
may mga pagkakataon na nagkakapareho ang libro at ang pelikula. Isang magandang
halimbawa dito ang komiks. Dahil habang nagbabasa ka, nakikita mo na ang
eksena. Kagaya na lamang ng mga nabasa ko na Slamdunk at Doraemon. Dito, kung
anong nabasa mo ay siya ring kilos sa drawing, at siya rin ang mismong eksena
sa palabas. Kahit gaano man kalalim ang kanyang litanya, makita mo lang ang
drawing, maiintindihan mo na. Katulad ng ‘kapow!’ ‘kaboom’! na wala naman sa talahanayan, ngunit makita
mo lang ang drawing, alam mo na, na may sinuntok o sumabog. Kahit bata,
maiintindihan yun.
(Ngayon)
Lahat naman tayo dumaan sa pagkabata na ang mga nakagisnan nating mga kwento
nila Snow White na isang prinsesa na kumain ng mansanas, Hansel and Gretel na
magkapatid, at Humpty Dumpty na basag na itlog ay binigyan ng panibagong twist.
Ang hindi ko lang maintindihan ngayon ay kung bakit kailangan baguhin ang tema
ng mga fairy tale. Una, si Snow White na hindi makabasag pinggan, ay natuto
nang humawak ng espada. Si Hansel and Gretel ay naging Vampire Hunter. Si
Humpty Dumpty naman ay naging kontrabida sa buhay ni Puss and Boots. Nawawala
ang orihinal na kwento ng mga ito at nagugulo ang isip ng maraming kabataan sa
panahon ngayon. Sa mga susunod na henerasyon, sinong fairy tale karakter naman
kaya ang susunod? Ang Seven Dwarfs ay tatangkad na din sa wakas dahil sa magic
beans na binigay ni Jack? Ganda no?
Magkakaiba
man ang ating tingin sa mga libro at pelikula, ito ay parehong nakakapagbigay
aliw sa atin, bata man o matanda. Iba-iba man ang ating piliin, ito ay parehas
na nakakapagbigay kulay sa ating mga buhay. Isa rin itong patunay na ang tao ay
may kanya-kanyang interpretasyon sa nabasa o sa napanood nila. Ang tao din ay
malikhain, sa paraang pasulat man o pa-pelikula. Wala itong pinagkaiba sa
komersyal sa telebisyon na, “gatas na choco, o choco na gatas?” Ganun din ito,
ikaw, ano sa palagay mo, libro o pelikula?